Kung "greatest Pinoy rock band" lang din ang pag-uusapan, imposibleng 'di makasama sa hilera niyan ang bandang "Yano." Early 90's nang makilala sa industriya ng musika ang bandang "Yano," kung saan umabot ng quadruple platinum ang self-titled debut album nila noong 1994.
Nabuo ang bandang ito sa University of the Philippines Diliman, kung saan lahat sila noon ay nag-aaral at aktibong nakikibaka laban sa karapatan ng bawat mamamayan. Sa tugtugan, kilala sila sa folk-punk-rock music na siya namang malugod na tinangkilik ng masa noong kapanahunan nila. Maliban sa kaaya-aya at makamasa nilang tugtugan, higit na nakakaagaw pansin ang husay nila sa paglapat ng salita sa bawat kantang isinusulat nila.
Gawa na rin marahil ng malaking impluwensya ng pagiging aktibista sa pamantasang kinabibilangan nila, karamihan (kung hindi lahat) ng mga kanta nila ay nakatema sa mga problemang sosyal at polikal ng bansa. Sa pamamagitan ng simpleng tugtugan, naging malaking parte sila sa pagmulat ng karamihan kung ano ang tunay na estado ng bansa noong mga panahong iyon (pero maaari pa rin naman itong ilapat sa sitwasyon ngayon).
Marami silang pinasikat na kanta, at karamihan nito ay nananatili pa ring buhay sa puso ng nakararami ngayon, kahit pa mahigit isang dekada na ang lumipas. Sa bawat salitang nilapatan nila ng musika, iba't ibang mukha ng lipunan ang naipakita nila, at hanggang ngayon ay buhay na buhay pa rin ang mga litratong ipininta nila gamit ang walang kamatayan nilang mga awit.
Sino ba naman ang makakalimot sa mga kantang tulad ng "Banal na Aso, Santong Kabayo" (isang kantang tumutukoy sa mga hipokritong nagbabanal-banalan), "Kumusta na?" (isang kantang gumugunita sa unang EDSA Revolution noong 1986), "Esem" (kanta patungkol sa sikat na mall ni Henry Sy sa North Ave.), "Iskolar ng Bayan" (awit ng isang estudyante mula sa UP), at "Paalam Sampaguita" (kanta naman patungkol sa mga Pinoy na humahanap ng kaginhawaan sa ibang bansa). Ilan lamang ito sa maraming mahuhusay na mga komposisyong tunay namang kinilala at minahal ng masa gawa na rin marahil ng mapait na katotohanan sa realidad ng bawat Pilipino. Hindi matatawaran ang laki ng impluwensiya ng bandang Yano sa industriya ng musika, kung kaya nama'y di rin sila ganoon kadaling nilimot ng mga Pilipino kahit pa nagkawatak-watak na rin sila.
Hanggang ngayon, patuloy na nananatiling sariwa sa pandinig at panlasa ng bawat tagahangga ng musikong Pinoy ang iniwan nilang tatak sa nasabing industriya. Iba-iba man ang landas na tinahak ng bawat isa sa kanila, hanggang naririnig ng marami ang mga kantang bunga ng mapaglaro ngunit tuwid na isipan bilang mga aktibistang musikero, mananatiling buhay ang bandang Yano.